For evicting two press corps from DoJ building
KINONDENA ng Alab ng Mamamahayag (ALAM) ang desisyon ni Department of Justice (DOJ) Sec. Leila de Lima na palayasin ang dalawang press corps na nakabase sa kanila.
Idinahilan ni De Lima na batay sa report ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), nagiging banta sa seguridad ang ilang miyembro ng media.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, matatawag na first degree harassment ito sa mga mamamayahag, at tahasang pagkitil sa press freedom.
Ani Yap, kahit pa totoong maituturing na courtesy lamang ng mga departamento ng gobyerno ang paglalagay ng press office, hindi nangyari sa kahit kaninong president na pinalayas ang mga reporter sa kanilang lugar.
Kahit umano noong panahon ng panunungkulan ng itinuturing na diktador na si former President Ferdinand Marcos, at sa itinuturing na kontrabida sa media na si dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay walang press corps na napapalayas.
Ngunit sa panahon ng panunungkulan ni Pres. Benigno Simeon Aquino III, apat na press corps agad ang napatalsik.
Unang pinalayas ni Land Transportation Office Chief Virgie Torres ang LTO Press Corps, kasabay naman ng pagpapalayas din ni Land Transportation and Franchising and Regulatory Board Chairman James Jacob sa LTFRB Press Corps na kasisimula pa lamang.
Sina Torres at Jacob ay mga shooting buddies ni PNoy.
Ani Yap, pinalampas ng National Press Club (NPC) ang nasabing dalawang insidente dahil nagkaroon ng kaunting problema sa pagitan ng media at pamunuan ng dalawang opisina.
Aniya, marahil ay may itinatago si De Lima kaya pinalayas ang JUCRA (Justice and Court Reporters Association) at JUROR (Justice Reporters Organization) sa DOJ main building kung saan din siya nag-o-opisina.
Binigyang diin ni Yap na doon naglalagi ang dalawang grupo ng media dahil madali silang nakakakuha ng balita sa lugar na ito.
Naroroon na ang JUCRA mula pa 1977 samantalang ang JUROR ay nagsimula noong 1986, sa panahon ng panunungkulan ni dating Pres. Corazon Aquino.
“Kung sabagay, kahit noong siya pa ang Comission on Human Rights (CHR), nagkagulo-gulo rin,” ani Yap. “Kahit saan talaga mapunta si De Lima, nagkakaroon ng dilemma.”
Dagdag ni Yap, sa halip na proteksyunan ang media, pangmamaltrato pa ang nararanasan ng media sa DOJ.
Gayunman, mapapalampas na rin aniya ang pagmaltratong ito kung nareresolba ng Task Force 211 ng DOJ ang mga media killings, partikular ang Maguindanao Massacre.