Mga prosecutor ni CGMA mahihina
MAHIHINA at kulang ang kakayahang maghanap ng ebidensiya ang natalagang prosecutors sa kasong electoral sabotage ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo, ito ang pahayag ng grupong Alab ng Mamamahayag (ALAM).
Ayon kay ALAM President Berteni Causing, pinayagan ng korte na makapagpiyansa si Arroyo dahil kulang at mahina ang mga ebidensiyang iprinisinta ng mga prosecutors laban sa kanya.
Gayunman, naniniwala si Causing na mananaig din ang katarungan kahit medyo matagal.
“The long arm of the law will catch her,” ani Causing. “Iyan ang paniniwala ng ALAM. Kahit pa medyo magtagal, makakamit din natin ang hustisya.”
Ayon naman kay ALAM Chairman Jerry Yap, dahil sa pagpipiyansa ni Arroyo, nalalayo ang pansin ng tao sa mga seryosong problemang kinakaharap ngayon ng ordinaryong mamamayan.
Ani Yap, yumanig sa mga misis ang iskandalosong kakulangan ng LPG, at pagtaas ng presyo ng petrolyo, singil sa tubig at kuryente.
Aniya, matapos magpabola sa mabulaklak na speech ni PNoy sa State of the Nation Address (SONA) ni President Benigno Simeon Aquino III noong Lunes, nalanta na agad ang mga bulaklak.
Senti-sentimo lamang umano kung bumaba ng presyo ng petrolyo ngunit kapag nagtaas ito ay mahigit piso.
Matatandaang tatlong ulit nang nagtaas ng presyo ang mga produktong petrolyo.
Ang huling pataas ay PhP 1.80 sa gasolina, PhP 1 sa diesel at PhP 1.35 sa kerosene, isang araw lamang matapos ng SONA.
Nagkakaubusan din ng liquefied petroleum gas (LPG) sa merkado na sinasamantala naman ng mga retailers.
Kahit umano sa Manila Electric Co. (MERALCO) bill, umalma ang halos lahat ng kabahayan matapos halos madoble ang binabayaran nilang electric bill ngayong buwang ito.
Hindi pa kasali rito ang dagdag-singil ng Maynilad at Manila Water sa tubig.