BABALA: Ang mga sumusunod ay pawang kuru-kuro lamang. Matutong umilag upang hindi tamaan at kung sakaling tamaan, huwag umaray.
Ang kalayaan sa pamamahayag ay hindi lang para sa media, para ito sa bawat mamamayan.
Natatandaan ko pa na may isang portion sa Wowowee noon sa ABS-CBN kung saan inii-spoof ni Pokwang si Mommy Dionesia, ang dakilang ina ni Manny Pacquiao.
Marami ang mga nasaktang kaibigan ni Mommy D sa Gensan sa panggagaya sa kanya noon ni Pokwang.
Hindi nga naman nakatutuwa ang pagbuka-buka ng legs ng komedyana habang alsa-alsa ito sa ere ng mga lalaking dancers. Masagwa itong tingnan sa mommy ni Pacquiao.
Pero ni minsan ay hindi nagsalita si Pacquiao sa publiko at hindi rin nito kinondena ang show ni Willie Revillame.
Sa halip, ayon sa impormasyon, tinawagan mismo ni Pacquiao si Pokwang at gayundin si Revillame para pakiusapan na kung maaari ay tigilan na ito o alisin na ang naturang portion sa show.
Maganda ang approach ni Pacquiao kung kaya’t naunawaan agad ng mga ito ang damdamin ng Pinoy ring icon.
Wala nga namang karekla-reklamo si Pacquiao kapag ini-spoof siya ni Pooh at ng iba pang mga komedyante sa mga comedy bars.
Kahit pa nga katawa-tawa siya sa mga manonood at halatang sagarang nilalait, tinatawanan na lang ito ng Pambansang Kamao.
Ngunit, iba na kapag ang pamilya at ina mo na ang nasasaktan at niyuyurakan. Kaya, hindi ito natiis ni Pacquiao.
Pinatigil agad ni Willie ang portion na iyon sa kanyang show na ngayo’y nasa GMA-7 na [Wowowin].
Mula noon, hindi na natin napanood si Pokwang na ginagawang katatawanan ang dakilang ina ni Pacquiao.
Nararapat lang na gawing patas ng ABS-CBN ang treatment sa isyu laban kay Pacquiao na ngayo’y bina-bash ng LGBT community, kahit pa nasa poder nito sina Boy Abunda at Vice Ganda.
Ito’y dahil bukod sa nasa industriya sila ng pamamahayag, alam ng naturang TV network na pinakikinabangan at pinagkakakitaan nila si Pacquiao sa pamamagitan ng pang-ii-spoof ni Pooh sa Pambansang Kamao sa Banana Split.
Talagang masakit ang katotohanan. Hindi ba’t dahil sa pagsasabi ng totoo at pagsisiwalat ng batas ng Dios ay napako sa krus si Kristo at pinatay ang kanyang mga apostol?
#mannypacquiao #pacmom #pacman #lgbt