Monthly Archives: December 2019

MAKATI NAGDEKLARA NG MORATORIUM VS. POGOs

NAGDEKLARA ng indefinite moratorium ang lungsod ng Makati sa pag-isyu ng mga bagong business license at permit sa mga service provider ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs.

pogo

Ayon kay Mayor Abby Binay, ito’y nangangahulugan na hindi na sila tumatanggap ng mga aplikasyon mula sa POGO service providers upang maiwasan ang paglala ng kriminalidad at prostitusyon sa lungsod.

Aniya, paiigtingin ng pamahalaang lungsod ang pagsugpo sa anumang iligal na aktibidad na may kaugnayan sa mga POGO sa Makati at kanilang mga empleyado.

Tinukoy rin ng alkalde ang“overheating” sa residential at commercial leasing market bilang pangunahing dahilan nang pagpapatigil sa pagpasok ng naturang mga kompanya.

Dahil sa pagdagsa ng libo-libong banyagang manggagawa ng mga POGO, tumaas ang pangangailangan sa tirahan at opisina sa lungsod kasabay ng mabilis namang pagtaas ng mga presyo sa property sector. Ito ay nagiging sanhi ng overheating sa sektor na makakapagpabagal sa pag-unlad ng sektor at ng ekonomiya.

Binigyang-diin ni Mayor Abby na halos lahat ng mga POGO service provider na nasa Makati ay lisensyadong PAGCOR at lehitimong nakarehistro sa Business Permit and Licensing Office. Sa katunayan, mahigit P200 milyon kada taon ang nakokolektang buwis ng lungsod mula sa POGO service providers.

Tiniyak ng alkalde ang malugod na pagtanggap ng lungsod sa mga lehitimong negosyo na sumusunod sa batas at mga ordinansa, kabilang na ang pagbabayad ng wastong buwis.

Ibayong pagsisikap naman ang ginagawa ng lungsod upang mapanatili ang tahimik at maayos na paligid na nagpapalago ng mga negosyo at nagpapaunlad sa mga tao.

Nitong mga nakaraang buwan, naitala ang pagdami ng iligal na gawain na kinasasangkutan ng POGO employees, na karamihan ay Chinese kaya ipinasara ang apat na iligal na service providers, dalawang establisyimentong gamit na prostitution dens, at isang maruming restaurant at catering company.

Nakakumpiska rin ng P2.5 bilyong halaga ng iligal na droga ang mga awtoridad mula sa isang apartment na nirerentahan ng isang Chinese national.

Dagdag pa ni Mayor, dumami ang mga iligal na paupahang apartment dahil sa pag agsa ng mga empleyadong POGO, na nagiging sanhi ng pagsisiksikan at kakulangan sa fire exit pati na mga depektibong fire alarm system.

Sa kasalukuyan, may mahigit 300 POGO service providers na sa Makati na may libo-libong empleyado, na karamihan ay Chinese nationals.

Kabilang sa mga serbisyong ibinibigay ng mga ito ang live e-casino video streaming, call center, marketing at iba pang technical support sa POGOs.